Wednesday, March 21, 2007

Pagpaslang sa 7 sibilyan, Inamin ng NPA


Inako ng New People's Army ang responsibilidad sa pagpatay at pananambang sa 7 sibilyan kabilang ang isang Barangay Captain noong March 9 sa bayan ng La Libertad, Negros Oriental. Batay sa Sun-Star Bacolod (www.sunstar.com.ph), isang Ka JB Regalado, nagpakilalang tagapagsalita ng Leonardo Panaligan Command ng NPA ang nagpahayag na si Lydio Baylon, Kapitan ng Barangay, ang kanilang target. Lima pang sibilyan ang nasugatan bunga ng pananambang.

Ang ganitong mga pangyayari ay malinaw na manipestasyon nang kawalan ng respeto at pagpapahalaga sa buhay ng mga inosenteng sibilyan. Nakakabahala na ang walang habas na pagpaslang ng NPA sa mga kapwa natin Pilipino. Ipinagkait ng mga NPA ang karapatan ng bawat PILIPINO sa isang patas na paglilitis, Karapatang Pantao at ang Universal Right ng bawat indibidwal na mabuhay.

Ipagpalagay nang may nagawang aksyon laban sa kanila ang Barangay Captain na si Baylon dahil sa pagyakap nito sa Demokrasya, , bakit kailangan pa nilang idamay ang anim na tao at sugatan ang Limang iba pa? Ito ba ay dahil pinapatunayan nilang sila ay TERORISTA na ang pangunahing elemento sa pagsusulong ng kanilang adhikain ay ang maghasik ng takot at pangamba? Tatlo pa ang kamakailan ay pinaslang din ng mga kasapi ng Leonardo Panaligan Command, inako din nila ang pagpatay kay Rubio Deniega, Nelson Garde at Rudy Azunsion. Ilan pa kayang Kapwa Pilipino ang kailangang patayin ng mga NPA upang mamulat tayo sa katotohanang walang magagawa ang Komunismo upang sumulong ang ating bansa. Bagkus, sinasagkaan nila ang pag-unlad at pagbabago. Tingnan ninyo ang nangyari sa Rusya, Cambodia, North Korea, Cuba at Vietnam? Milyong buhay ang inutang ng kanilang baluktot na ideyolohiya...

Tuesday, March 20, 2007

KARAPATAN, walang kredibilidad


Minsan pang napatunayan ang kawalan ng kredibilidad ng grupong KARAPATAN nang lumutang sa MEDIA ang dalawang tao na umano'y naging biktima ng extra judicial killings.Humarap kahapon (March 20, 2007)sa mga mamamahayag sa Kampo Krame sina Hilarion Faraon, 41 anyos at si Danilo Fajardo, 42 anyos na kabilang sa inilagay sa listahan ng KARAPATAN na napaslang na. Si Fajardo ay ika-650 at si Faraon naman ay ika-652 sa nabanggit na list of victims.Ang dalawa ay parehong taga San Miguel., Bulacan. Kasama din sa nabanggit na press conference si Maritess Dela Cruz ng Isabela City, Cagayan na kabilang din sa inilista ng KARAPATAN. Sa kasalukuyan, umaabot na sa lima katao ang buhay subalit pinatay na ng grupo sa kanilang bloated list. Batay din sa ibang analysts, minamanipula ng grupo ang kanilang listahan at isinasama pa maging ang mga naging biktima ng purging operation ng NPA na kanilang kasamahan upang siraan lamang ang gobyerno.

Sa opisyal na talaan ng Task Force Usig ay mayroong 115 verified cases ng pagpatay samantalang ang KARAPATAN ay pinalobo sa 838 ang kanilang listahan.

Monday, March 12, 2007

Sarap ng buhay!!




Wala na halos makain si Ka Pepe ng NPA at nanghihina na siya sa sakit na malaria subalit wala siyang makuhanan at mainom na gamot. Isang linggo na halos, na minsan na lamang silang kumain dahil wala ng supply na nakukuha ang kanilang yunit.Umaangal na rin ang mga tao sa Baryo na kinukuhanan nila ng pagkain. Matindi ang operasyon ng militar sa kanilang area na ginagalawan, marami nang napatay sa kanilang pangkat. Bagaman at siya ay may sakit, hindi niya magawang magpahinga dahil kailangan nilang maglakad at magpalipat-lipat ng pinagtataguan.Minsan, laman ng niyog at dahon ng saging ang kinakain nila upang maipantawid-gutom. Hindi rin nawawala sa isip ni Ka Pepe ang pagkamatay ng kanyang kabiyak na si Ka Rosa ilang buwan na ang nakaraan. Patuloy pa ring nag-iiwan ng hapdi sa kanyang puso ang pagkawala nito.Namatay ang asawa niya dahil naubusan ng dugo sa isang engkuwentro sa mga militar. Kung nadala lamang ito sa isang Ospital, tiyak na buhay pa sana ang kanyang mahal na asawa.

Napakalaki na ng kanilang iniambag sa pagsusulong ng kanilang adhikain subalit ngayon ay nakakaramdam na siya nang pagkapagod at pagtatanong sa katumpakan ng kanilang ipinaglalaban. Ang dalawa niyang anak,3 at 5 taong gulang ay iniwanan lamang nila sa kanilang kamag-anak at isang taon na rin halos na di niya nayayakap ang mga ito.Sabik na sabik na siyang mahalikan ang kanyang mga supling. Hirap na hirap na rin ang kanyang katawan na unti-unti nang iginugupo ng sakit, ganoon din ang kaniyang napapagod ng diwa; subalit sumidhi pang lalo ang kanyang pamamanglaw nang marinig niya sa Radyo at nabasa sa mga pahayagan ang isang balita. Sa kabila pala ng kanilang paghihirap dito sa Pilipinas upang isulong ang Armadong Pakikibaka sa kanayunan, Si JOMA SISON naman ay nagpapasarap pala sa NETHERLANDS.Nakikipag-Party pa sa mga magaganda at mababangong OFW's, nakikipagsayaw at halos lumuwa ang mata sa alindog ni ARA MINA.

Bakit kaya di na lamang siya bumalik dito sa Pilipinas at pamunuan ang People's Protracted War gaya ng mga tyorya na kaniyang isinulat?

Thursday, March 1, 2007

NPA, Maka-Hayop kung Pumatay!!




Humihiyaw nang katarungan ang mga kaanak at kaibigan ni SPO1 Liberato Cesar Jr bunga nang maka-hayop na pagpaslang sa kanya ng mga Teroristang NPA. Ito ang mariing pahayag ni Brother Louie Balbago ng grupong INANG BAYAN. Ang nabanggit na NGO ay pangunahing tagapagtaguyod ng mga pagkilos upang wakasan na ang karahasan at lagim na inihahasik ng NPA sa ating bansa.

Si SPO1 Cesar na isang ulirang ama at alagad ng batas ay nasabat sa isang checkpoint ng mga NPA sa Barangay Sabloyon, Caramoran, Catanduanes habang sakay ng isang motorsiklo noong Agosto 7, 2006. Sinundo siya ng kaibigang si Jomel De Quiros mula sa bayan ng Viga upang maghanap ng tulong medikal para sa kanyang anak na maysakit. Dahil sa hangaring mabigyan ng lunas ang anak, hindi na inalintana ng pulis ang kanyang personal na kaligtasan makahanap lamang ng gamot.

Ayon kay PO3 Rogelio Manlangit, imbestigador ng kaso," Hindi na nagkaroon nang pagkakataong umiwas o manlaban si SPO1 Cesar. Pinaligiran agad sila( Cesar at De Quiros) at iginapos na parang mga baboy. Mistulang nagdiwang pa ang mga NPA nang mapag-alamang isang Pulis ang kanilang nalambat. Matapos tangayin ang dalawa, naglakad pa sila ng ilang oras kung saan pinalaya din si De Quiros ng mga komunista. Naging malagim naman ang kapalaran ni SPO1 Cesar na dumanas pa ng ibayong paghihirap at parusa bago pinaslang ng mga NPA."

Ang resulta ng Post Mortem examination sa bangkay ng pulis ay nagpapatunay ng labis na pagpapahirap sa biktima. "Ang kanyang mga paa at bahagi ng katawan ay pinitpit at binugbog sa hambalos, ang kanyang mga kuko sa daliri ay isa-isang binunot. Nagtamo rin si SPO1 Cesar ng mga palo sa ulo at mga saksak sa dibdib," ito ang malungkot na salaysay ni PInsp TUGAY, hepe ng bayan ng Viga.

Inako ng mga NPA ang maka-HAYOP na pagpaslang kay SPO1 Cesar, isang Pulis at Ulirang Ama ng Tahanan. Ayon sa Black Porpaganda ng NPA, pinarusahan nila ito dahil abusado at may kasalanan umano ito sa kanilang kilusan. "Ito ay isang malaking kasinungalingan! Sa aming paglubog doon sa komunidad ay nakumpirma namin na mismong mga residente sa area ang nagpapatunay na isang magalang at mahusay na pulis ang pinaslang ng mga komunistang NPA", paglilinaw ni Bro. Louie Balbago ng Inang Bayan Movement.

Walang tigil naman sa pag-iyak si Gng Nelia Cesar, maybahay ng biktimang pulis. " Napakabait niyang asawa at tagapagtaguyod ng aming pamilya. Paano na ang pito naming anak, paano na ang kanilang kinabukasan? Sana naman masugpo na ang paghahasik ng karahasan ng mga NPA. Talamak din dito sa amin ang extortion activities nila, Pati mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante hinihingan nila ng revolutionary tax!", himutok ng biyuda.

Nakakadurog din ng puso ang ipinaabot pang inpormasyon ng Ginang. Ang bunso nilang anak ay magdadalawang taon pa lamang nang paslangin ng NPA ang ama nitong pulis. Ang bunso ang siyang laging sumasalubong sa kanyang ama sa pintuan ng kanilang bahay tuwing ito ay mangagaling sa kanyang duty sa presinto; siya rin ang nag-aabot ng tsinelas sa kanyang tatay pagdating nito. Sa ngayon, tuwing dapithapon ay lagi pa ring nag-aabang sa may pintuan ang bunso, umaasang mayakap ang ama at makalaro. Sa kawalang malay ng kanyang kamusmusan ay laging may katanungan sa isipan, "Inay, bakit wala pa rin po si itay?"